Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”
Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin.
Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.
Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem, umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Dios tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno. Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog. Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa paliguan ng hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko. Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.
Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Judio tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.
Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya.” Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Dios sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin. Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila para simulan ang mabuting gawaing ito. Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobia na isang opisyal na Ammonita, at ni Geshem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?” Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Dios sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader ng Jerusalem. Pero kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”