Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NEHEMIAS 2:1-10

NEHEMIAS 2:1-10 ABTAG01

Sa buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari, samantalang mayroong alak sa harapan niya, kinuha ko ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi pa ako naging malungkot nang gayon sa kanyang harapan. At sinabi ng hari sa akin, “Bakit malungkot ang iyong mukha, samantalang wala ka namang sakit? Ito'y walang iba kundi kalungkutan ng puso.” Nang magkagayo'y lubha akong natakot. Sinabi ko sa hari, “Mabuhay ang hari magpakailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha, gayong ang lunsod, ang lugar ng mga libingan ng aking mga ninuno ay giba, at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy?” Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, “Ano ang iyong kahilingan?” Kaya't ako'y nanalangin sa Diyos ng langit. Sinabi ko sa hari, “Kung ikakalugod ng hari at kung ang iyong lingkod ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, suguin mo ako sa Juda, sa lunsod ng libingan ng aking mga ninuno, upang aking muling maitayo ito.” Sinabi ng hari sa akin, (ang reyna ay nakaupo sa tabi niya), “Gaano katagal kang mawawala, at kailan ka babalik?” Sa gayo'y ikinalugod ng hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kanya ng panahon. Sinabi ko naman sa hari, “Kung ikakalugod ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y makarating sa Juda; at isang sulat para kay Asaf na tagapag-ingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga troso upang gawing mga biga sa mga pintuan ng kuta ng templo at para sa pader ng lunsod at sa bahay na aking papasukan.” Ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking hiniling, sapagkat ang mabuting kamay ng aking Diyos ay nasa akin. At ako'y pumunta sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Ang hari ay nagsugo na kasama ko ang mga punong-kawal ng hukbo at mga mangangabayo. Subalit nang mabalitaan ito ni Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, ikinayamot nila nang husto na may isang dumating para sa kapakanan ng mga anak ni Israel.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya