Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Nehemias 2:1-10

Nehemias 2:1-10 ASND

Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.” Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin. Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya