Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NAHUM 3

3
1Kahabag-habag ang madugong lunsod!
punung-puno ng kabulaanan at samsam—
at sa kanya'y hindi nawawalan ng biktima!
2Ang bagsak ng panghagupit, at ang pagragasa ng gulong,
nagdadambahang kabayo at lukso ng mga karwahe!
3Sumusugod ang mga mangangabayo,
kumikislap na tabak at kumikinang na sibat,
at napakaraming patay,
bunton ng mga bangkay,
at walang katapusang mga bangkay;
sila'y natitisod sa mga bangkay—
4Ang lahat ay dahil sa di mabilang na pagpapakasama ng bayarang babae,#3:4 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw.
ang maganda at babaing dalubhasa sa pag-eengkanto,
na nagbibili ng mga bansa sa pamamagitan ng kanyang pagiging bayarang babae.#3:4 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw.
at ang mga bayan sa pamamagitan ng kanyang mga pag-eengkanto.
5Narito, ako'y laban sa iyo,
sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
at aking itataas ang damit mo sa iyong mukha;
at ipapakita ko sa mga bansa ang iyong kahubaran
at sa mga kaharian ang iyong kahihiyan.
6Tatapunan kita ng basura
at gagawin kitang hamak,
at gagawin kang katatawanan.
7At ang lahat ng titingin sa iyo, ay lalayo sa iyo, at magsasabi,
“Ang Ninive ay sira, sinong tataghoy sa kanya?”
saan ako hahanap ng mga mang-aaliw para sa iyo?
8Ikaw ba'y mas mabuti pa sa Noamon
na nakaupo sa tabi ng Nilo,
na may tubig sa palibot niya;
na ang kuta niya'y ang dagat,
at ang tubig ay kanyang pader?
9Ang Etiopia ang kanyang lakas,
pati ang Ehipto, at iyon ay walang hangganan;
ang Put at Lubim ay kanyang naging mga katulong.
10Gayunman siya'y ipinatapon,
siya'y dinala sa pagkabihag;
maging ang kanyang mga anak ay pinagputul-putol
sa dulo ng lahat ng mga lansangan;
pinagpalabunutan ang kanyang mararangal na tao,
at ang lahat ng kanyang mga dakilang tao ay ginapos ng mga tanikala.
11Ikaw man ay malalasing,
ikaw ay itatago,
ikaw ay hahanap
ng kanlungan mula sa kaaway.
12Lahat ng iyong kuta ay magiging parang puno ng igos
na may unang hinog na mga igos;
na kapag inuga ay nalalaglag sa
bibig ng kumakain.
13Narito, ang iyong bayan
sila'y mga babae sa gitna mo.
Ang mga pintuan ng iyong lupain
ay bukas nang maluwang sa iyong mga kaaway;
nilamon ng apoy ang iyong mga halang.
14Umigib ka ng tubig para sa pagkubkob;
tibayan mo ang iyong mga muog;
pumasok ka sa putikan,
magbayo ka sa lusong,
hawakan mo ang hulmahan ng tisa!
15Doon ka sasakmalin ng apoy;
tatagpasin ka ng tabak.
Lalamunin ka nito na gaya ng balang.
Magpakarami kang gaya ng balang:
magpakarami kang gaya ng tipaklong!
16Pinarami mo ang iyong mga mangangalakal
nang higit kaysa mga bituin sa langit.
Ibinuka ng balang ang kanyang mga pakpak at lumipad na papalayo.
17Ang iyong mga pinuno ay gaya ng mga tipaklong,
at ang iyong mga tagapamahala ay parang kawan ng balang,
na dumadapo sa mga bakod
sa araw na malamig—
kapag ang araw ay sumikat, sila'y nagliliparan,
walang nakakaalam kung nasaan sila.
18Ang iyong mga pastol ay natutulog,
O hari ng Asiria;
ang iyong mga maharlika ay nahihimbing.
Ang iyong bayan ay nakakalat sa mga bundok,
at walang magtitipon sa kanila.
19Walang paggaling ang iyong sakit,
ang iyong sugat ay malubha.
Lahat ng makabalita sa iyo
ay pumapalakpak ng kanilang kamay sa iyo.
Sapagkat sino ang kailanma'y nakaligtas sa iyong walang tigil na kalupitan?

Kasalukuyang Napili:

NAHUM 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in