Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MIKAS 7

7
Ang Pagkabulok ng Lipunan
1Kahabag-habag ako! Sapagkat ako'y naging gaya
nang tipunin ang mga bunga sa tag-init,
gaya nang pulutin ang ubas sa ubasan,
walang kumpol na makakain
walang unang hinog na bunga ng igos na aking kinasabikan.
2Ang mabuting tao ay namatay sa lupa,
at wala nang matuwid sa mga tao;
silang lahat ay nag-aabang upang magpadanak ng dugo;
hinuhuli ng bawat isa ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng lambat.
3Ang kanilang mga kamay ay nasa kasamaan upang sikaping isagawa;
ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol;
at ang dakilang tao ay nagsasalita ng masamang pagnanasa ng kanyang kaluluwa,
ganito nila ito pinagtatagni-tagni.
4Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag;
ang pinakamatuwid sa kanila ay gaya ng bakod na tinikan.
Ang araw ng kanilang mga bantay, ang araw ng kanilang kaparusahan ay dumating;
ngayo'y dumating na ang kanilang pagkalito.
5Huwag kayong magtitiwala sa kapitbahay;
huwag kayong magtiwala sa kaibigan;
ingatan mo ang mga pintuan ng iyong bibig
sa kanya na humihiga sa iyong sinapupunan,
6sapagkat#Mt. 10:35, 36; Lu. 12:53 lalapastanganin ng anak na lalaki ang ama,
ang anak na babae ay titindig laban sa kanyang ina,
ang manugang na babae ay laban sa kanyang biyenang babae;
ang mga kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kasambahay.
Ang Panginoon ay Magdadala ng Kaligtasan
7Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon;
ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan;
papakinggan ako ng aking Diyos.
8Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway;
kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon;
kapag ako'y naupo sa kadiliman,
ang Panginoon ay magiging aking ilaw.
9Aking papasanin ang galit ng Panginoon,
sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya,
hanggang sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin,
at lapatan ako ng hatol.
Kanyang ilalabas ako sa liwanag,
at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas.
10Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway,
at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin,
“Nasaan ang Panginoon mong Diyos?”
Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya;
siya'y yayapakan
na parang putik sa mga lansangan.
11Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta!
Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan.
12Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo
mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog,
at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok.
13Ngunit masisira ang lupa
dahil sa kanila na naninirahan doon,
dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.
Ang Pagkahabag ng Panginoon sa Israel
14Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod,
ang kawan na iyong mana,
na mag-isang naninirahan sa gubat
sa gitna ng mabungang lupain;
pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead,
gaya ng mga araw noong una.
15Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto
ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay.
16Makikita ng mga bansa at mapapahiya
sa lahat nilang kapangyarihan;
kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig,
ang kanilang mga tainga ay mabibingi.
17Hihimurin nila ang alabok na parang ahas;
gaya ng gumagapang na mga hayop sa lupa;
sila'y lalabas na nanginginig mula sa kanilang mga kulungan;
sila'y lalapit na may takot sa Panginoon nating Diyos
at sila'y matatakot dahil sa iyo.
18Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan,
at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana?
Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman,
sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig.
19Siya'y muling mahahabag sa atin;
kanyang tatapakan ang ating kasamaan.
Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan
sa mga kalaliman ng dagat.
20Igawad mo ang katotohanan kay Jacob,
at tapat na pag-ibig kay Abraham,
na iyong isinumpa sa aming mga ninuno
mula pa nang unang panahon.

Kasalukuyang Napili:

MIKAS 7: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in