Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MIKAS 3:5-12

MIKAS 3:5-12 ABTAG01

Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking bayan; na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”; kapag sila'y may makakain, ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig. Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain; at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula. Ang araw ay lulubog sa mga propeta, at ang araw ay magdidilim sa kanila; ang mga tagakita ay mahihiya, at ang mga manghuhula ay mapapahiya, silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi; sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos. Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan ng Espiritu ng PANGINOON, at ng katarungan, at ng kapangyarihan, upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway, at sa Israel ang kanyang kasalanan. Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob, at mga pinuno sa sambahayan ni Israel, na napopoot sa katarungan, at binabaluktot ang lahat ng katuwiran, na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian. Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol, at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod, at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi: gayunma'y sumasandal sila sa PANGINOON, at nagsasabi, “Hindi ba ang PANGINOON ay nasa gitna natin? Walang kasamaang darating sa atin.” Kaya't dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira, at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.