MIKAS 3
3
Sinumbatan ni Mikas ang mga Pinuno ng Israel
1At aking sinabi,
Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob,
at mga pinuno ng sambahayan ni Israel!
Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan?
2Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan;
na tumutuklap ng balat ng aking bayan,
at ng kanilang laman sa kanilang mga buto;
3na kumakain ng laman ng aking bayan,
at lumalapnos ng kanilang balat,
at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto,
at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero,
gaya ng laman sa isang kawa.
4Kung magkagayo'y dadaing sila sa Panginoon,
ngunit sila'y hindi niya sasagutin;
kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon,
sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa.
5Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta
na nagliligaw sa aking bayan;
na nagsisisigaw ng, “Kapayapaan”;
kapag sila'y may makakain,
ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya
na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig.
6Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain;
at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula.
Ang araw ay lulubog sa mga propeta,
at ang araw ay magdidilim sa kanila;
7ang mga tagakita#3:7 o nakakakita ng pangitain. ay mahihiya,
at ang mga manghuhula ay mapapahiya,
silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi;
sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos.
8Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan
ng Espiritu ng Panginoon,
at ng katarungan, at ng kapangyarihan,
upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway,
at sa Israel ang kanyang kasalanan.
9Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob,
at mga pinuno sa sambahayan ni Israel,
na napopoot sa katarungan,
at binabaluktot ang lahat ng katuwiran,
10na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo,
at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian.
11Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol,
at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod,
at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi:
gayunma'y sumasandal sila sa Panginoon, at nagsasabi,
“Hindi ba ang Panginoon ay nasa gitna natin?
Walang kasamaang darating sa atin.”
12Kaya't#Jer. 26:18 dahil sa inyo,
ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid,
at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira,
at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat.
Kasalukuyang Napili:
MIKAS 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001