“Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin.
“Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan.
“Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos.
“Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit.
“Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin.
“Magalak kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo.
“Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao.
“Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago.
Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.
Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.
“Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito.
Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay.
Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit.
Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
“Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, ‘Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’
Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Raca,’ ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, ‘Ulol ka,’ ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno.