Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.
“Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.
[Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]
Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.
“Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’
Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?
At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’
Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?
Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.
At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.
Ang gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.
“Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.
Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!