Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 23:12-24

Mateo 23:12-24 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kung ito'y mahikayat, ginagawa ninyo siyang masahol pa kaysa sa inyo. Kaya't lalong may dahilan para siya'y parusahan sa impiyerno. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon. “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng naaani ninyong yerbabuena, ruda, linga, ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Huwag ninyong kaligtaang gawin ang mga ito kahit na tamang gawin ninyo ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ani. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!

Mateo 23:12-24 Ang Salita ng Diyos (ASD)

Ang sinumang itinataas ang kanyang sarili ay ibababa ng Diyos, at ang nagpapakababa ay itataas ng Diyos. “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong pumasok. [ Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda upang makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga masasamang ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa.] “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, upang makahikayat ng kahit isang tao sa inyong pananampalataya. Ngunit kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impiyerno! “Nakakaawa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa Templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa Templo, dapat niya itong tuparin. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang Templo na nagpapabanal sa ginto? Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. At kapag nanumpa siya sa Templo, nanunumpa rin siya sa Diyos na naninirahan doon. At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya sa trono ng Diyos at sa Diyos mismo na nakaupo roon. “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu ng inyong mga pampalasa ng pagkain, ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, ngunit huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, ngunit lumululon naman kayo ng kamelyo!

Mateo 23:12-24 Ang Biblia (TLAB)

At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas. Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili. Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba't ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa't dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. Kayong mga tagaakay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!

Mateo 23:12-24 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)