Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 23:12-24

Mateo 23:12-24 MBB05

Ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kung ito'y mahikayat, ginagawa ninyo siyang masahol pa kaysa sa inyo. Kaya't lalong may dahilan para siya'y parusahan sa impiyerno. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon. “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng naaani ninyong yerbabuena, ruda, linga, ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Huwag ninyong kaligtaang gawin ang mga ito kahit na tamang gawin ninyo ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ani. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo!