Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 8:27-39

LUCAS 8:27-39 ABTAG01

At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan. Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.” Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang. At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman. At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya. Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod. Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran. At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot. Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo. At nakiusap kay Jesus ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik. Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi, “Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.