LUCAS 8
8
Mga Babaing Sumama kay Jesus
1Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa,
2at#Mt. 27:55, 56; Mc. 15:40, 41; Lu. 23:49 ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas,
3si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila#8:3 Sa ibang mga kasulatan ay kanya. mula sa kanilang mga ari-arian.
Ang Talinghaga ng Manghahasik
(Mt. 13:1-9; Mc. 4:1-9)
4Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga:
5“Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid.
6Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig.
7At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal.
8At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga
(Mt. 13:10-17; Mc. 4:10-12)
9Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito,
10sinabi#Isa. 6:9 (LXX) niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa.
Ipinaliwanag ni Jesus ang Talinghaga ng Manghahasik
(Mt. 13:18-23; Mc. 4:13-20)
11“Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos.
12Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas.
13At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod.
14Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang.
15At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga.
Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan
(Mc. 4:21-25)
16“Walang#Mt. 5:15; Lu. 11:33 taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.
17Sapagkat#Mt. 10:26; Lu. 12:2 walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag.
18Kaya't#Mt. 25:29; Lu. 19:26 mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.”
Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus
(Mt. 12:46-50; Mc. 3:31-35)
19Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao.
20At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.”
21Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”
Pinayapa ni Jesus ang Unos
(Mt. 8:23-27; Mc. 4:35-41)
22Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa.” At sila'y naglayag.
23Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib.
24Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, “Guro, Guro, tayo'y napapahamak!” Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan.
25Sinabi niya sa kanila, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, “Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Inaalihan ng Demonyo
(Mt. 8:28-34; Mc. 5:1-20)
26Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno,#8:26 Sa ibang mga kasulatan ay Geraseno, Gergeseno. na katapat ng Galilea.
27At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit#8:27 Sa ibang mga kasulatan ay siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa lunsod na matagal nang may mga demonyo. at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan.
28Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, “Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan.”
29Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang.
30At tinanong siya ni Jesus, “Anong pangalan mo?” At sinabi niya, “Lehiyon;” sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya.
31Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di-matarok na kalaliman.
32At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya.
33Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod.
34Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran.
35At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot.
36Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo.
37At nakiusap kay Jesus#8:37 Sa Griyego ay sa kanya. ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik.
38Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi,
39“Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo.” At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya.
Ang Anak ni Jairo at ang Babaing Humawak sa Damit ni Jesus
(Mt. 9:18-26; Mc. 5:21-43)
40At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya.
41At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay,
42sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao.
43May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,#8:43 Sa ibang mga kasulatan ay idinagdag ang: ginugol na niya ang lahat niyang kabuhayan sa mga manggagamot. at di mapagaling ng sinuman,
44na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo.
45Sinabi ni Jesus, “Sino ang humawak sa akin?” Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro,#8:45 Sa ibang mga kasulatan ay …at ng mga kasamahan niya. “Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng napakaraming tao.”
46Subalit sinabi ni Jesus, “May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin.”
47At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus#8:47 Sa Griyego ay siya. at kung paanong siya ay kaagad gumaling.
48At sinabi niya sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”
49Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, “Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro.”
50Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, “Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling.”
51Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata.
52Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus,#8:52 Sa Griyego ay niya. “Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog.”
53At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata.
54Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, “Bata, bumangon ka.”
55Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus#8:55 Sa Griyego ay niya. na bigyan ng makakain ang bata.
56At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus#8:56 Sa Griyego ay niya. sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Kasalukuyang Napili:
LUCAS 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001