Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 8:1-21

LUCAS 8:1-21 ABTAG01

Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, at ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas, si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila mula sa kanilang mga ari-arian. Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga: “Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid. Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig. At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal. At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan.” Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, “Ang may mga taingang pandinig ay makinig.” Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito, sinabi niya, “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa. “Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay dumating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas. At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod. Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang. At ang nahulog sa mabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na may pagtitiyaga. “Walang taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag. Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin.” Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. At may nagsabi sa kanya, “Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka.” Subalit sinabi niya sa kanila, “Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito.”