Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 16:1-18

LUCAS 16:1-18 ABTAG01

Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan. At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’ Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos. Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’ Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’ At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’ Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’ At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag. At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan. “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami. Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari. Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.” Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus. At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos. “Ang kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon. Ngunit mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan. “Ang bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.