Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 16:1-18

Lucas 16:1-18 ASND

Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ Sumagot ito, ‘100 banga ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios. “Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo? “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.” Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Dios kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kinasusuklaman ng Dios. “Bago dumating si Juan na tagapagbautismo, ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. At mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito. Pero hindi ibig sabihin na wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan. “Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.