Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LUCAS 1:40-56

LUCAS 1:40-56 ABTAG01

Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo. Sumigaw siya nang malakas at sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan! Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.” Sinabi ni Maria, “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin. Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay at banal ang kanyang pangalan. Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya sa lahat ng sali't-saling lahi. Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig; pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso. Ibinaba niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono, at itinaas ang mga may abang kalagayan. Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay, at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin, bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan. Tulad nang sinabi niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman.” Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay.