Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 1:40-56

Lucas 1:40-56 ASND

Pagdating niya sa bahay nina Zacarias, binati niya si Elizabet. Nang marinig ni Elizabet ang pagbati ni Maria, naramdaman niyang gumalaw nang malakas ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Napuspos ng Banal na Espiritu si Elizabet at malakas niyang sinabi, “Higit kang pinagpala ng Dios sa lahat ng babae, at pinagpala rin niya ang magiging anak mo! Isang malaking karangalan na dalawin ako ng ina ng aking Panginoon. Nang marinig ko ang pagbati mo sa akin, gumalaw nang malakas sa tuwa ang sanggol sa sinapupunan ko. Mapalad ka dahil naniwala kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon.” At sinabi ni Maria, “Buong puso kong pinupuri ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas! Sapagkat inalala niya ako na kanyang abang lingkod. Mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng henerasyon, dahil sa dakilang mga bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihang Dios. Banal siya! Kinaaawaan niya ang mga taong may takot sa kanya sa bawat henerasyon. Ipinakita niya ang dakila niyang mga gawa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Itinaboy niya ang mga taong mataas ang tingin sa sarili. Ibinagsak niya ang mga makapangyarihang hari mula sa kanilang mga trono, at itinaas niya ang mga nasa mababang kalagayan. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit pinaalis niya na walang dala ang mayayaman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod. Sapagkat hindi niya kinalimutan ang kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, na kaaawaan niya sila magpakailanman.” At nakitira si Maria kina Elizabet ng mga tatlong buwan bago siya umuwi.