Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

LEVITICO 24:1-9

LEVITICO 24:1-9 ABTAG01

At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, “Iutos mo sa mga anak ni Israel na dalhan ka nila ng dalisay na langis ng olibo na hinalo para sa ilawan, upang patuloy na magningas ang ilawan. Sa labas ng tabing ng patotoo, sa toldang tipanan, ito ay laging aayusin ni Aaron, mula hapon hanggang sa umaga sa harapan ng PANGINOON. Ito'y isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Aayusin niyang palagi ang mga ilaw sa ibabaw ng ilawan na yari sa lantay na ginto sa harapan ng PANGINOON. “Kukuha ka ng piling harina, at sa pamamagitan nito ay magluluto ka ng labindalawang tinapay; dalawang ikasampung bahagi ng efa ang sa bawat tinapay. Ilalagay mo ang mga iyon sa dalawang hanay, anim sa bawat hanay, sa ibabaw ng hapag na dalisay na ginto. Maglalagay ka sa bawat hanay ng dalisay na kamanyang, upang maging handog na tanda para sa tinapay bilang handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON. Sa bawat Sabbath ay palaging aayusin ito ni Aaron sa harapan ng PANGINOON para sa mga anak ni Israel, bilang isang tungkuling walang hanggan. Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay kanilang kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ay kabanal-banalang bahagi para sa kanya mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, isang walang hanggang bahagi.”