Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Leviticus 24:1-9

Leviticus 24:1-9 ASND

Sinabi ng PANGINOON kay Moises na iutos ito sa mga Israelita: Magdala kayo ng purong langis mula sa pinigang olibo para sa ilaw na nasa labas ng kwarto kung saan nakalagay ang Kahon ng Kasunduan doon sa Toldang Tipanan, para patuloy itong magningas sa presensya ng PANGINOON. Sisindihan ito ni Aaron tuwing takip-silim at patuloy na pagniningasin hanggang sa umaga. Dapat tiyakin na laging nagniningas ang mga ilaw sa patungang ginto nito. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. Magluto kayo ng 12 pirasong tinapay, na ang bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa mesang ginto sa presensya ng PANGINOON. Ihanay ninyo ito ng dalawang hanay, tig-anim ang bawat hanay. Lagyan ninyo ng purong insenso ang gilid ng bawat hanay. Ang insenso ang siyang magsisilbing handog para alalahanin ang PANGINOON. Susunugin ito bilang handog sa pamamagitan ng apoy sa halip na ang tinapay. Dapat laging maglagay ng tinapay sa presensya ng PANGINOON tuwing Araw ng Pamamahinga. Itoʼy tungkulin ninyong mga Israelita magpakailanman. Ang mga tinapay na itoʼy para kay Aaron at sa kanyang angkan. Kakainin nila ito sa banal na lugar doon sa Tolda, dahil ito ang pinakabanal na bahagi ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa PANGINOON, at itoʼy para sa kanila magpakailanman.