Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOSUE 24:7-15

JOSUE 24:7-15 ABTAG01

At nang sila'y tumangis sa PANGINOON, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon. Pagkatapos ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila sa harapan ninyo. Nang magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay. Nang kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay. Sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana. At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’ “Ngayon nga'y matakot kayo sa PANGINOON, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang PANGINOON. Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa PANGINOON, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa PANGINOON.”