Humingi ng tulong sa akin ang inyong mga ninuno at nilagyan ko ng kadiliman ang pagitan nila at ng mga Egipcio. At nilunod ko agad ang mga Egipcio sa dagat. Nakita mismo ng inyong mga ninuno ang ginawa ko sa mga Egipcio. At tumira kayo sa disyerto nang mahabang panahon. “ ‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nakipaglaban sila sa inyo, pero pinagtagumpay ko kayo sa kanila. Nilipol ko sila at nasakop nʼyo ang lupain nila. Pagkatapos, nakipaglaban sa Israel ang hari ng Moab na si Balak na anak ni Zipor. Inutusan niya si Balaam na anak ni Beor na sumpain kayo. Pero hindi ko pinahintulutan si Balaam na gawin ito sa inyo. Sa halip, binasbasan kayo ni Balaam, at iniligtas ko kayo sa kamay ni Balak. “ ‘Pagkatapos, tumawid kayo sa Ilog ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nakipaglaban sa inyo ang mga taga-Jerico, ganoon din ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergaseo, Hiveo at Jebuseo. Pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinadalhan ko ng mga putakti ang dalawang haring Amoreo para itaboy sila bago pa kayo dumating. Nanalo kayo hindi dahil sa inyong mga espada at pana. Binigyan ko kayo ng lupaing hindi nʼyo pinaghirapan. Pinatira ko kayo sa mga lungsod na hindi kayo ang nagtatag. Kumakain kayo ngayon ng mga ubas at mga olibo na hindi kayo ang nagtanim.’ “Kaya ngayon, igalang nʼyo ang PANGINOON at paglingkuran na may katapatan. Itakwil na ninyo ang mga dios-diosang sinasamba noon ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates at sa Egipto, at maglingkod kayo sa PANGINOON. Pero kung ayaw nʼyong maglingkod sa PANGINOON, mamili kayo ngayon sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo. Maglilingkod ba kayo sa mga dios na pinaglilingkuran ng mga ninuno nʼyo sa kabila ng Ilog ng Eufrates, o sa mga dios ng mga Amoreo na ang lupain ay tinitirhan nʼyo ngayon? Pero para sa akin at sa pamilya ko maglilingkod kami sa PANGINOON.”
Basahin Josue 24
Makinig sa Josue 24
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Josue 24:7-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas