JOB 4
4
Ang Unang Pagsasalita ni Elifaz: Pinatunayan Niya ang Katarungan ng Diyos
1Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi,
2“Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba?
Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita?
3Tingnan mo, marami kang tinuruan,
at pinalakas mo ang mahihinang kamay.
4Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod,
at pinalakas mo ang mahihinang tuhod.
5Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip;
ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa.
6Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala,
at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa?
7“Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak?
O saan ang mga matuwid ay winasak?
8Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan
at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani.
9Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay,
at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok.
10Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon,
at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali.
11Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila,
at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat.
Ang Kawalang Kabuluhan ng Tao sa Harapan ng Diyos
12“Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim,
at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon.
13Sa#Job 33:15 gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain,
kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating;
14ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot,
na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto.
15At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha;
ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan.
16Tumayo iyon,
ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon.
Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata;
nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig:
17‘Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos?
Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha?
18Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala,
at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian;
19gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik,
na ang pundasyon ay nasa alabok,
na napipisang gaya ng gamu-gamo.
20Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak;
sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin.
21Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila,
hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?’
Kasalukuyang Napili:
JOB 4: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001