Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 39

39
1“Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan?
Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan?
2Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan,
o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang,
3kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal,
at ang kanilang sanggol ay isinisilang?
4Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki,
sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli.
5“Sinong nagpakawala sa asnong mabangis?
Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis?
6Na ginawa kong bahay niya ang ilang,
at ang lupang maasin na kanyang tahanan?
7Nililibak nito ang ingay ng bayan,
ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan.
8Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan,
at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay.
9“Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran?
Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban?
10Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling,
ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin?
11Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas?
At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas?
12May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik,
at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik?
13“Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay,
ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal?
14Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog,
at pinaiinit ang mga iyon sa alabok,
15na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa,
o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila.
16Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya;
bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba;
17sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan,
at hindi siya binahaginan ng kaunawaan.
18Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo,
tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.
19“Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan?
Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan?
20Pinalulukso mo ba siya na parang balang?
Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal.
21Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya,
siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata.
22Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay;
ang tabak ay hindi niya tinatalikuran.
23Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana,
ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba.
24May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa,
hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta.
25Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, ‘Aha!’
At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan,
ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan.
26“Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan,
at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan?
27Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila,
at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya?
28Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan,
sa tuktok ng burol na batuhan.
29Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima,
mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata.
30Sumisipsip#Mt. 24:28; Lu. 17:37 ng dugo ang mumunting mga anak niya;
at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya.”

Kasalukuyang Napili:

JOB 39: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in