Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 38

38
Ang Tugon ng Diyos kay Job
1At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:
2“Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
3Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.
4“Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
5Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
6Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
7nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?
8“O#Jer. 5:22 sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
9nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10at nagtakda para doon ng mga hangganan,
at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’
12“Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw,
at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan;
13upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig,
at ang masasama mula roon ay maliglig?
14Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago,
at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro.
15Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw,
at nabalian ang kanilang nakataas na kamay.
16“Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?
17Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?
O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?
18Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig?
Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid.
19“Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw,
at saan naroon ang dako ng kadiliman,
20upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon,
at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon?
21Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang,
at marami ang bilang ng iyong mga araw!
22“Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe,
o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan,
para sa araw ng labanan at ng digmaan?
24Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw?
O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan?
25“Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan,
at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan,
26upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao,
sa disyerto na kung saan ay walang tao;
27upang busugin ang giba at sirang lupa,
at upang sibulan ng damo ang lupa?
28“Mayroon bang ama ang ulan?
O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang?
29Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula?
At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya?
30Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato,
at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo.
31“Ang#Job 9:9; Amos 5:8 mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian,
o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan?
32Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan,
o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan?
33Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit?
Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig?
34“Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig,
upang matakpan ka ng saganang tubig?
35Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo,
at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’?
36Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan?
O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman?
37Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan?
O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan,
38kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit,
at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit?
39“Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon?
O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon,
40kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga,
at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila?
41Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain,
kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing,
at nagsisigala dahil sa walang pagkain?

Kasalukuyang Napili:

JOB 38: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in