Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 37

37
1“Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso,
at lumulundag sa kinalalagyan nito.
2Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig,
at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig.
3Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit,
at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig.
4Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig,
siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig,
hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig.
5Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig;
gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan.
6Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, ‘Sa lupa ikaw ay bumagsak,’
at sa ambon at sa ulan, ‘Kayo ay lumakas.’
7Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya,
upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa.
8Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan,
at namamalagi sa kanilang mga kublihan.
9Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling,
at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin.
10Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo;
at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo.
11Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap,
pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat.
12Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay,
upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan,
sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan.
13Maging sa saway, o para sa kanyang lupa,
o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya.
14“Dinggin mo ito, O Job;
tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos.
15Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos,
at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap?
16Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap,
ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap?
17Ikaw na mainit ang kasuotan
kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog?
18Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid,
na sintigas ng isang hinulmang salamin?
19Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin,
dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin.
20Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita?
Ninasa ba ng isang tao na malunok siya?
21“At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag,
kapag maliwanag ang kalangitan,
kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram.
22Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan,
ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan.
23Ang Makapangyarihan sa lahat—hindi natin siya matatagpuan;
siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan,
at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran.
24Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao;
hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan.”

Kasalukuyang Napili:

JOB 37: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in