JOB 34
34
Ipinagtanggol ni Elihu ang Diyos
1At sumagot si Elihu, at sinabi,
2“Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino;
kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako;
3sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita,
gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa.
4Piliin natin kung ano ang matuwid;
ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti.
5Sapagkat sinabi ni Job, ‘Ako'y walang kasalanan,
at inalis ng Diyos ang aking karapatan;
6itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran,
at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.’
7Sinong tao ang katulad ni Job,
na ang panunuya ay tila tubig na iniinom,
8na nakikisama sa mga gumagawa ng masama,
at lumalakad na kasama ng taong masasama?
9Sapagkat kanyang sinabi, ‘Ang tao'y walang mapapakinabang,
kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.’
10“Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa,
malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama,
at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa.
11Sapagkat#Awit 62:12 sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa,
at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya.
12Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan,
at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan.
13Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa?
O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya?
14Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya,
at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga;
15lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay,
at babalik sa alabok ang sangkatauhan.
16“Kung mayroon kang pang-unawa ay dinggin mo ito;
ang aking sinasabi ay pakinggan mo.
17Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan?
Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan,
18na nagsasabi sa isang hari: ‘Walang kuwentang tao,’
at sa mga maharlika: ‘Masamang tao;’
19na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno,
ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman,
sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay?
20Sa isang sandali sila'y namamatay;
sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw,
at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao.
21“Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao,
at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito.
22Walang dilim ni malalim na kadiliman,
na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan.
23Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon,
upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom.
24Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat,
at naglalagay ng iba na kanilang kahalili.
25Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa,
kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa.
26Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan
sa paningin ng mga tao,
27sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya,
at hindi pinahalagahan ang anuman sa mga lakad niya,
28anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya,
at ang daing ng napipighati ay narinig niya—
29sino ngang makakahatol kapag tahimik siya?
Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya?
Maging ito'y isang tao o isang bansa?—
30upang huwag maghari ang taong walang diyos,
upang ang bayan ay hindi niya malinlang.
31“Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba,
‘Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa;
32ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita,
kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?’
33Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo,
sapagkat ito ay iyong tinanggihan?
Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako;
kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman.
34Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan,
at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay:
35‘Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman,
ang kanyang mga salita ay walang karunungan.’
36Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan,
sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan.
37Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan,
ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan,
at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan.”
Kasalukuyang Napili:
JOB 34: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001