Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 24

24
Idinaing ni Job ang Ginagawa ng Masama
1“Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan?
At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw?
2Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato,
hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito.
3Kanilang itinataboy ang asno ng ulila,
kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla.
4Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha;
nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa.
5Gaya ng mababangis na asno sa ilang
sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain,
na naghahanap sa ilang ng mabibiktima
bilang pagkain para sa mga anak nila.
6Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila;
at sila'y namumulot sa ubasan ng masama.
7Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan,
at sila'y walang saplot laban sa ginaw.
8Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan,
at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan.
9(May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina,
at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.)
10Sila'y humahayong hubad, walang damit,
bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis;
11mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis,
sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis.
12Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo,
at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo,
gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo.
13“May mga naghihimagsik laban sa liwanag;
na hindi nakakaalam ng mga daan niyon,
at hindi nananatili sa mga landas niyon.
14Ang mamamatay-tao ay bumabangon sa bukang-liwayway
upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan;
at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw.
15Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim,
na nagsasabing, ‘Walang matang makakakita sa akin;’
at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha.
16Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay;
sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw;
ang liwanag ay hindi nila nalalaman.
17Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat,
sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak.
18“Inyong sinasabi, ‘Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala,
ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa;
walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila.
19Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe,
gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala.
20Kalilimutan sila ng sinapupunan,
para sa bulati'y matamis silang matatagpuan,
hindi na maaalala ang kanilang pangalan,
kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.’
21“Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae,
at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti.
22Ngunit pinahahaba ng Diyos#24:22 Sa Hebreo ay niya. ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan;
sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay.
23Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan;
at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan.
24Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na.
At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba,
sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay.
25Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan,
at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?”

Kasalukuyang Napili:

JOB 24: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in