Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JOB 23

23
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
1Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2“Ang aking sumbong ngayo'y mapait#23:2 o mapaghimagsik. din,
ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
3O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
4Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
5Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
6Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
7Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.
8“Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
9sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!

Kasalukuyang Napili:

JOB 23: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in