Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JUAN 16:4-15

JUAN 16:4-15 ABTAG01

Subalit ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras ay inyong maalala na sinabihan ko kayo tungkol sa kanila. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat nang pasimula, sapagkat ako'y kasama ninyo. Subalit ngayon ako'y pupunta sa nagsugo sa akin. Ngunit walang sinuman sa inyo ang nagtanong sa akin, ‘Saan ka pupunta?’ Ngunit dahil sa sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo, napuno ng lungkot ang inyong puso. Gayunma'y sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Makakabuti sa inyo na ako'y umalis, sapagkat kung hindi ako aalis, ang Mang-aaliw ay hindi darating sa inyo. Ngunit kung ako'y umalis, siya'y susuguin ko sa inyo. At pagdating niya, kanyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa kahatulan: tungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumasampalataya sa akin; tungkol sa katuwiran, sapagkat ako'y pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita; tungkol sa kahatulan, sapagkat ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na. Mayroon pa akong maraming bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo kayang dalhin sa ngayon. Subalit kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat hindi siya magsasalita nang mula sa kanyang sarili, kundi ang anumang bagay na kanyang marinig, iyon ang kanyang sasabihin at kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating. Luluwalhatiin niya ako, sapagkat kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag niya. Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin, kaya sinabi ko na kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag.