Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 16:4-15

Juan 16:4-15 ASND

Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo. “Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo. “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.