JEREMIAS 30
30
Mga Pangako ng Panginoon sa Kanyang Bayan
1Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinabi sa iyo.
3Sapagkat narito, ang mga araw ay dumarating na aking ibabalik ang mga kayamanan ng aking bayang Israel at Juda, sabi ng Panginoon. At ibabalik ko rin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, at aangkinin nila ito.”
4Ito ang mga salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda:
5“Ganito ang sabi ng Panginoon:
Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak,
ng takot, at walang kapayapaan.
6Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan,
ang lalaki ba ay makakapanganak?
Kung gayo'y bakit nakikita ko ang bawat lalaki
na ang mga kamay ay nasa kanyang mga balakang na parang babaing manganganak?
Bakit ang bawat mukha ay namumutla?
7Naku! Dakila ang araw na iyon,
at walang gaya niyon;
iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob;
gayunma'y maliligtas siya mula roon.
8“At mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na aking babaliin ang pamatok mula sa kanilang#30:8 Sa Hebreo ay iyong. leeg, at aking lalagutin ang kanilang#30:8 Sa Hebreo ay iyong. mga gapos at hindi na sila aalipinin pa ng mga dayuhan.
9Ngunit kanilang paglilingkuran ang Panginoon nilang Diyos at si David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila.
10“Kaya't#Jer. 46:27, 28 huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng Panginoon;
ni manlupaypay, O Israel;
sapagkat ililigtas kita mula sa malayo,
at ang iyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag.
Ang Jacob ay babalik at magkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan,
at walang tatakot sa kanya.
11Sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon;
lubos kong lilipulin ang lahat ng mga bansa
na kung saan ay ikinalat kita,
ngunit tungkol sa iyo ay hindi kita lubos na lilipulin.
Parurusahan kita nang makatarungang sukat,
walang pagsalang hindi kita iiwan na hindi napaparusahan.
12“Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
Ang iyong sakit ay wala nang lunas,
at ang iyong sugat ay malubha.
13Walang magtatanggol ng iyong panig,
walang gamot para sa iyong sugat,
hindi ka na gagaling!
14Kinalimutan ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo;
sapagkat sinugatan kita ng sugat ng isang kaaway,
ng parusa ng isang malupit;
sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami.
15Bakit iniiyakan mo ang iyong sakit?
Ang iyong karamdaman ay wala nang lunas.
Sapagkat malaki ang iyong paglabag,
at ang iyong mga kasalanan ay napakarami,
na ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo.
16Kaya't silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin,
at lahat mong mga kaaway, bawat isa sa kanila ay pupunta sa pagkabihag;
silang nananamsam sa iyo ay magiging samsam,
at lahat ng sumisila sa iyo ay ibibigay ko upang masila.
17Sapagkat panunumbalikin ko sa iyo ang kalusugan,
at pagagalingin ko ang iyong mga sugat, sabi ng Panginoon;
sapagkat tinawag ka nilang isang itinakuwil:
‘Ito ang Zion, walang nagmamalasakit sa kanya!’
18“Ganito ang sabi ng Panginoon:
Narito, ibabalik ko ang mga kayamanan ng mga tolda ni Jacob,
at kahahabagan ko ang kanyang mga tirahan;
ang lunsod ay muling itatayo sa kanyang lugar,
at ang palasyo ay tatayo sa dati niyang kinalalagyan.
19Buhat sa kanila ay magmumula ang mga awit ng pasasalamat,
at ang mga tinig ng mga nagdiriwang.
Pararamihin ko sila, at sila'y hindi mababawasan;
akin silang pararangalan, at sila'y hindi magiging hamak.
20Ang kanilang mga anak ay magiging gaya nang una,
at ang kanilang kapulungan ay matatatag sa harapan ko,
at parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa kanila.
21Ang kanilang pinuno ay magiging isa sa kanila,
at ang kanilang tagapamahala ay magmumula sa gitna nila;
palalapitin ko siya, at siya'y lalapit sa akin,
sapagkat sino ang mangangahas na lumapit sa akin? sabi ng Panginoon.
22At kayo'y magiging aking bayan,
at ako'y magiging inyong Diyos.”
23Narito, ang bagyo ng Panginoon!
Ang poot ay lumabas na,
isang paikut-ikot na unos;
ito ay sasabog sa ulo ng masama.
24Ang mabangis na galit ng Panginoon ay hindi uurong
hanggang sa kanyang maigawad at hanggang maisagawa niya
ang balak ng kanyang isipan.
Sa mga huling araw ay inyong mauunawaan ito.
Kasalukuyang Napili:
JEREMIAS 30: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001