Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 29

29
Ang Liham ni Jeremias sa mga Judio sa Babilonia
1Ito#2 Ha. 24:12-16; 2 Cro. 36:10 ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang-bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem.
2Ito ay pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Haring Jeconias, at ang inang reyna, ang mga eunuko, ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga manggagawa at ang mga panday.
3Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Safan, at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na sinasabi,
4“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem:
5Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon.
6Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan.
7At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang-bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa Panginoon, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan.
8Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip,
9sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng Panginoon.
10“Sapagkat#2 Cro. 36:21; Jer. 25:11; Dan. 9:2 ganito ang sabi ng Panginoon: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito.
11Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa.
12At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo.
13Hahanapin#Deut. 4:29 ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso.
14Ako'y inyong matatagpuan, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng Panginoon. Ibabalik ko kayo sa dakong pinagkunan ko sa inyo tungo sa pagkabihag.
15“Sapagkat inyong sinabi, ‘Ang Panginoon ay nagbangon para sa amin ng mga propeta sa Babilonia,’—
16Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari na nakaluklok sa trono ni David, at tungkol sa lahat ng taong-bayan na nakatira sa lunsod na ito, ang inyong mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag:
17‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, pararatingin ko sa kanila ang tabak, ang taggutom, at salot, at gagawin ko silang parang masasamang igos na hindi makain dahil sa kabulukan.
18Hahabulin ko sila ng tabak, taggutom, at ng salot, at gagawin ko silang kakutyaan sa lahat ng kaharian sa lupa, upang maging isang sumpa at katatakutan, panunuya, at kahihiyan sa gitna ng lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa kanila;
19sapagkat hindi nila pinakinggan ang aking mga salita, sabi ng Panginoon, na ako'y maagang bumangon na isinugo sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong mga propeta, ngunit ayaw ninyong makinig, sabi ng Panginoon’—
20Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na mga bihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem:
21‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias, at tungkol kay Zedekias na anak ni Maasias na nagpapahayag ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: Ibibigay ko sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at kanyang papatayin sila sa inyong harapan.
22Dahil sa kanila, ang sumpang ito ay gagamitin ng lahat ng bihag sa Juda na nasa Babilonia: “Gawin ka nawa ng Panginoon na gaya ni Zedekias at ni Ahab, na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia,”
23sapagkat gumawa sila ng kahangalan sa Israel at sila'y nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapwa, at bumigkas ng mga salita ng kasinungalingan sa aking pangalan na hindi ko iniutos sa kanila. Ako ang nakakaalam at ako'y saksi, sabi ng Panginoon!’”
24Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi,
25“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi,
26‘Ginawa kang pari ng Panginoon sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng Panginoon sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala.
27Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo,
28sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, “Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.”’”
29Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta.
30At dumating ang salita ng Panginoon kay Jeremias, na sinasabi,
31“Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan,
32kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa Panginoon,’” sabi ng Panginoon.

Kasalukuyang Napili:

JEREMIAS 29: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in