Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 3:10-25

JEREMIAS 3:10-25 ABTAG01

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng PANGINOON.” At sinabi ng PANGINOON sa akin, “Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda. Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo, ‘Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng PANGINOON. Hindi ako titingin na may galit sa inyo, sapagkat ako'y maawain, sabi ng PANGINOON; hindi ako magagalit magpakailanman. Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala, na ikaw ay naghimagsik laban sa PANGINOON mong Diyos, at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng PANGINOON. Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng PANGINOON, sapagkat ako ay panginoon sa inyo, at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Zion. “‘At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa. At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng PANGINOON, hindi na nila sasabihin, “Ang kaban ng tipan ng PANGINOON.” Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin. Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng PANGINOON, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng PANGINOON, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso. Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang. “‘Aking inisip, nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak, at bigyan ka ng magandang lupain, isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa. At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin. Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa, gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng PANGINOON.’” Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan, ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel; sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan, kanilang nilimot ang PANGINOON nilang Diyos. “Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, pagagalingin ko ang inyong kataksilan.” “Narito, kami ay lumalapit sa iyo; sapagkat ikaw ang PANGINOON naming Diyos. Tunay na ang mga burol ay kahibangan, ang mga lasingan sa mga bundok. Tunay na nasa PANGINOON naming Diyos ang kaligtasan ng Israel. “Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae. Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa PANGINOON nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hanggang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng PANGINOON nating Diyos.”