Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 3:10-25

Jeremias 3:10-25 ASND

At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito.” Pagkatapos, sinabi sa akin ng PANGINOON, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel, ‘Ako, ang PANGINOON ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang PANGINOON na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito.’ ” Sinabi pa ng PANGINOON, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel. Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. Ako, ang PANGINOON ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng PANGINOON.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng PANGINOON. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang PANGINOON, ang nagsasabi nito. “May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang PANGINOON na kanilang Dios. Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan. “Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang PANGINOON naming Dios. Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, PANGINOON naming Dios. Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, PANGINOON naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”