Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

JEREMIAS 14:1-13

JEREMIAS 14:1-13 ABTAG01

Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot. “Ang Juda ay tumatangis, at ang mga pintuan niya ay nanghihina, sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa; at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang. Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig; sila'y dumating sa mga balon, at walang natagpuang tubig; sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman; sila'y nahihiya at nalilito, at tinatakpan ang kanilang mga ulo. Dahil sa lupa na bitak-bitak, palibhasa'y walang ulan sa lupain, ang mga magbubukid ay nahihiya, tinatakpan nila ang kanilang mga ulo. Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa, sapagkat walang damo. Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan, sila'y humihingal na parang mga asong-gubat; ang mata nila'y nanlalabo sapagkat walang halaman. “Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin, kumilos ka, O PANGINOON, alang-alang sa iyong pangalan, sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami; kami ay nagkasala laban sa iyo. O ikaw na pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan, bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain, gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi? Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito, gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas? Gayunma'y ikaw, O PANGINOON, ay nasa gitna namin, at kami ay tinatawag sa iyong pangalan; huwag mo kaming iwan.” Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa bayang ito: “Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy, hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa, kaya't hindi sila tinatanggap ng PANGINOON; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.” Sinabi ng PANGINOON sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito. Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.” Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong DIYOS! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”