Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae at ito'y kanyang sinipingan.
Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”
Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.
Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”
Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”
Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”
Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.
Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.
Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”
Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”
Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.
At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”
Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.
Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”
Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.
Kaya't ibinunyag niya kay Delila ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”
Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.
Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.
Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang PANGINOON ay humiwalay na sa kanya.
Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.
Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.
Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”
Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”
At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.
Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”
Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.
Pagkatapos ay tumawag si Samson sa PANGINOON, at sinabi, “O Panginoong DIYOS, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”
Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.
Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.
Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.