Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mga Hukom 16:1-31

Mga Hukom 16:1-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

Isang araw, pumunta si Samson sa Gaza na isang lungsod ng Filisteo. May nakilala siya roon na isang babaeng bayaran, at sumiping siya sa babaeng iyon. Nalaman ng mga taga-Gaza na naroon si Samson, kaya pinalibutan nila ang lungsod at binantayan ang pintuan ng lungsod buong gabi. Hindi sila lumusob nang gabing iyon. Nagpasya sila na papatayin nila si Samson nang madaling-araw. Pero sumiping si Samson sa babae hanggang hatinggabi lang. Bumangon siya at pumunta sa may pintuan ng lungsod. Hinawakan niya ang pintuan at binunot, at natanggal ito pati ang mga kandado at haligi nito. Pagkatapos, pinasan niya ito at dinala sa tuktok ng bundok na nakaharap sa Hebron. Isang araw, nagkagusto si Samson sa isang dalaga na nakatira sa Lambak ng Sorek. Ang pangalan niyaʼy Delaila. Pinuntahan ng limang pinuno ng mga Filisteo si Delaila at sinabi, “Kumbinsihin mo siya na ipagtapat sa iyo ang sekreto ng lakas niya at kung paano siya matatalo, para maigapos at mabihag namin siya. Kung magagawa mo ito, ang bawat isa sa amin ay magbibigay sa iyo ng 1,100 pilak.” Kaya tinanong ni Delaila si Samson. Sinabi niya, “Ipagtapat mo sa akin ang sekreto ng lakas mo. Kung may gagapos o huhuli sa iyo, paano niya ito gagawin?” Sumagot si Samson, “Kung gagapusin ako ng pitong sariwang bagting ng pana, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.” Nang malaman ito ng mga pinuno ng Filisteo, binigyan nila si Delaila ng pitong sariwang bagting ng pana at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali na parang lubid na nadarang sa apoy. Kaya hindi pa rin nila nalaman ang sekreto ng kanyang lakas. Sinabi ni Delaila kay Samson, “Niloko mo lang ako; nagsinungaling ka sa akin. Sige na, ipagtapat mo sa akin kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kapag naigapos ako ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.” Kaya kumuha si Delaila ng bagong lubid na hindi pa nagagamit at iginapos niya si Samson. May ilang mga Filisteo na nakatago noon sa kabilang kwarto. Pagkatapos, sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Pero nilagot ni Samson ang tali sa kanyang braso na parang sinulid lang. Kaya sinabing muli ni Delaila kay Samson, “Hanggang ngayon, niloloko mo pa rin ako at nagsisinungaling ka. Sige na, ipagtapat mo na kung paano ka maigagapos.” Sinabi ni Samson, “Kung itatali mo ng pitong tirintas ang buhok ko sa teral at ipinulupot sa isang tulos, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.” Kaya nang nakatulog si Samson, itinali ni Delaila ng pitong tirintas ang buhok ni Samson sa teral, at sumigaw agad, “Samson, may dumating na mga Filisteo para dakpin ka!” Nagising si Samson at mabilis niyang tinanggal ang buhok niya sa teral. Kaya sinabi ni Delaila sa kanya, “Sabi mo mahal mo ako, pero hindi mo ako pinagkakatiwalaan. Tatlong beses mo na akong niloko. Hindi mo talaga ipinagtapat sa akin kung saan nanggagaling ang lakas mo.” Araw-araw niyang tinatanong si Samson hanggang sa bandang huli ay nakulitan din ito. Kaya ipinagtapat na lang ni Samson sa kanya ang totoo. Sinabi ni Samson, “Hindi pa nagugupitan ang buhok ko kahit isang beses lang. Sapagkat mula pa sa kapanganakan ko, itinalaga na ako sa Dios bilang isang Nazareo. Kaya kung magugupitan ang buhok ko, magiging katulad na lang ng karaniwang tao ang lakas ko.” Naramdaman ni Delaila na nagsasabi si Samson ng totoo. Kaya nagpautos siya na sabihin sa mga pinuno ng mga Filisteo na bumalik dahil nagtapat na sa kanya si Samson. Kaya bumalik ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delaila. Pinatulog ni Delaila si Samson sa hita niya, at nang makatulog na ito, tumawag siya ng isang tao para gupitin ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Kaya nanghina si Samson, at ipinadakip siya ni Delaila. Sumigaw si Delaila, “Samson, may dumating na mga Filisteo para hulihin ka!” Pagbangon ni Samson akala niyaʼy makakawala pa rin siya tulad ng ginagawa niya noon. Pero hindi niya alam na hindi na siya tinutulungan ng PANGINOON. Dinakip siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Pagkatapos, dinala siya sa Gaza at kinadenahan ng tanso. Pinagtrabaho nila siya sa loob ng bilangguan bilang tagagiling ng trigo. Pero unti-unting tumubo ulit ang kanyang buhok. Muling nagkatipon ang mga pinuno ng mga Filisteo para magdiwang at mag-alay ng maraming handog sa kanilang dios na si Dagon. Sa pagdiriwang nila ay nag-aawitan sila: “Pinagtagumpay tayo ng dios natin laban sa kalaban nating si Samson.” Labis ang kanilang kasiyahan at nagsigawan sila, “Dalhin dito si Samson para magbigay aliw sa atin!” Kaya pinalabas si Samson sa bilangguan. At nang makita ng mga tao si Samson, pinuri nila ang kanilang dios. Sinabi nila, “Pinagtagumpay tayo ng dios natin sa ating kalaban na nangwasak sa lupain natin at pumatay ng marami sa atin.” Pinatayo nila si Samson sa gitna ng dalawang haligi at ginawang katatawanan. Sinabi ni Samson sa utusan na nag-aakay sa kanya, “Pahawakin mo ako sa haligi ng templong ito para makasandal ako.” Siksikan ang mga tao sa templo. Naroon ang lahat ng pinuno ng mga Filisteo. Sa bubungan ay may 3,000 tao, lalaki at babae. Nagkakasayahan silang nanonood kay Samson. Nanalangin si Samson, “O Panginoong DIOS, alalahanin nʼyo po ako. Kung maaari, ibalik nʼyo po ang lakas ko kahit minsan pa para makaganti po ako sa mga Filisteo sa pagdukit nila sa mga mata ko.” Kumapit si Samson sa dalawang haliging nasa gitna ng templo na nakatukod sa bubungan nito. Ang kanan niyang kamay ay nasa isang haligi at ang kaliwa naman ay nasa kabilang haligi. Pagkatapos, sumigaw siya, “Mamamatay akong kasama ng mga Filisteo!” At itinulak niya ang dalawang haligi nang buong lakas at gumuho ang templo at nabagsakan ang mga pinuno at ang lahat ng tao roon. Mas maraming tao ang napatay ni Samson sa panahong iyon kaysa noong nabubuhay pa siya. Ang bangkay ni Samson ay kinuha ng mga kapatid at kamag-anak niya at inilibing sa pinaglibingan ng ama niyang si Manoa, doon sa gitna ng Zora at Estaol. Pinamunuan ni Samson ang Israel sa loob ng 20 taon.

Mga Hukom 16:1-31 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron. Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.” Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?” Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas. Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.” Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid. Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.” Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.” Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok. Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.” Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok. Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi. Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson. At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay. Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.

Mga Hukom 16:1-31 Ang Biblia (TLAB)

At naparoon si Samson sa Gaza, at nakakita roon ng isang patutot at sinipingan. At ibinalita sa mga taga Gaza na sinasabi, Si Samson ay naparito. At kanilang kinulong siya, at binakayan siya buong gabi sa pintuang-bayan, at tahimik buong gabi, na sinasabi, Maghintay tayo hanggang magbukang liwayway, saka natin patayin siya. At si Samson ay humiga hanggang hating gabi, at bumangon sa hating gabi at humawak sa mga pinto ng pintuang-bayan, at sa dalawang haligi, at kapuwa binunot, pati ng sikang, at pinasan sa kaniyang mga balikat, at isinampa sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron. At nangyari pagkatapos, na siya'y suminta sa isang babae sa libis ng Sorec, na ang pangala'y Dalila. At inahon ng mga pangulo ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kaniya: Dayain mo siya, at tingnan mo kung saan naroon ang kaniyang dakilang kalakasan, at sa anong paraan mananaig kami laban sa kaniya upang aming matalian at mapighati siya: at bibigyan ka ng bawa't isa sa amin ng isang libo't isang daang putol na pilak. At sinabi ni Dalila kay Samson, Saysayin mo sa akin, isinasamo ko sa iyo, kung saan naroon ang iyong dakilang kalakasan, at kung paanong matatalian ka upang pighatiin ka. At sinabi ni Samson sa kaniya, Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na kailan man ay hindi natuyo, ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng alinmang tao. Nang magkagayo'y nagdala ang mga pangulo ng mga Filisteo sa kaniya ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinagtali niya sa kaniya. Ngayo'y may mga bakay na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At kaniyang pinatid ang mga yantok, na tulad sa taling estopa pagka nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi naalaman ang kaniyang lakas. At sinabi ni Dalila kay Samson, Narito, pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: isinasamo ko ngayon sa iyo na saysayin mo sa akin kung paano matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, ay hihina nga ako at magiging gaya ng alinmang tao. Sa gayo'y kumuha si Dalila ng mga bagong lubid, at itinali sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At ang mga bakay ay nangasa silid sa loob. At pawang pinatid niya sa kaniyang mga bisig na parang sinulid. At sinabi ni Dalila kay Samson, Hanggang dito'y pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: saysayin mo sa akin kung paanong matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo. At kaniyang pinagtibay ng tulos, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at binunot ang tulos ng panghabi, at ang hinabi. At sinabi niya sa kaniya, Bakit nasasabi mo, na iniibig kita, sa bagay ang iyong puso ay hindi sumasaakin? pinaglaruan mo akong makaitlo, at hindi mo isinaysay sa akin kung saan nagpapahinga ang iyong dakilang kalakasan. At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay. At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako'y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako'y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao. At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka't sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo'y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay. At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala. At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako'y lalabas na gaya ng dati, at ako'y magpupumiglas. Nguni't hindi niya talos na ang Panginoo'y humiwalay sa kaniya. At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya'y gumiling sa bilangguan. Gayon ma'y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya'y maahitan. At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay. At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin. At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi: At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan. Ang bahay nga ay puno ng mga lalake at babae, at ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo ay nandoon; at sa bubungan ay may tatlong libong lalake at babae, na nanonood samantalang pinaglalaruan si Samson. At tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, Oh Dios, upang maiganti kong paminsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata. At si Samson ay pumigil sa dalawang gitnang haligi na pumipigil ng bahay, at isinuhay sa mga yaon, ang isa sa kaniyang kanang kamay, at ang isa'y sa kaniyang kaliwa. At sinabi ni Samson, Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo, At iniubos niya ang kaniyang buong lakas; at ang bahay ay bumagsak sa mga pangulo, at sa buong bayan na nandoon sa loob. Sa gayo'y ang nangamatay na kaniyang pinatay sa kaniyang kamatayan ay higit kay sa pinatay niya sa kaniyang kabuhayan. Nang magkagayo'y lumusong ang kaniyang mga kapatid at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, at kinuha siya, at iniahon siya, at inilibing siya sa pagitan ng Sora at Esthaol sa libingan ni Manoa na kaniyang ama. At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pung taon.

Mga Hukom 16:1-31 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)

Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron. Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.” Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?” Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas. Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.” Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid. Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.” Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.” Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok. Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.” Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok. Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi. Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson. At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay. Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.

Mga Hukom 16:1-31 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

At naparoon si Samson sa Gaza, at nakakita roon ng isang patutot at sinipingan. At ibinalita sa mga taga Gaza na sinasabi, Si Samson ay naparito. At kanilang kinulong siya, at binakayan siya buong gabi sa pintuang-bayan, at tahimik buong gabi, na sinasabi, Maghintay tayo hanggang magbukang liwayway, saka natin patayin siya. At si Samson ay humiga hanggang hating gabi, at bumangon sa hating gabi at humawak sa mga pinto ng pintuang-bayan, at sa dalawang haligi, at kapuwa binunot, pati ng sikang, at pinasan sa kaniyang mga balikat, at isinampa sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron. At nangyari pagkatapos, na siya'y suminta sa isang babae sa libis ng Sorec, na ang pangala'y Dalila. At inahon ng mga pangulo ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kaniya: Dayain mo siya, at tingnan mo kung saan naroon ang kaniyang dakilang kalakasan, at sa anong paraan mananaig kami laban sa kaniya upang aming matalian at mapighati siya: at bibigyan ka ng bawa't isa sa amin ng isang libo't isang daang putol na pilak. At sinabi ni Dalila kay Samson, Saysayin mo sa akin, isinasamo ko sa iyo, kung saan naroon ang iyong dakilang kalakasan, at kung paanong matatalian ka upang pighatiin ka. At sinabi ni Samson sa kaniya, Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na kailan man ay hindi natuyo, ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng alinmang tao. Nang magkagayo'y nagdala ang mga pangulo ng mga Filisteo sa kaniya ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinagtali niya sa kaniya. Ngayo'y may mga bakay na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At kaniyang pinatid ang mga yantok, na tulad sa taling estopa pagka nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi naalaman ang kaniyang lakas. At sinabi ni Dalila kay Samson, Narito, pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: isinasamo ko ngayon sa iyo na saysayin mo sa akin kung paano matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, ay hihina nga ako at magiging gaya ng alinmang tao. Sa gayo'y kumuha si Dalila ng mga bagong lubid, at itinali sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At ang mga bakay ay nangasa silid sa loob. At pawang pinatid niya sa kaniyang mga bisig na parang sinulid. At sinabi ni Dalila kay Samson, Hanggang dito'y pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: saysayin mo sa akin kung paanong matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo. At kaniyang pinagtibay ng tulos, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at binunot ang tulos ng panghabi, at ang hinabi. At sinabi niya sa kaniya, Bakit nasasabi mo, na iniibig kita, sa bagay ang iyong puso ay hindi sumasaakin? pinaglaruan mo akong makaitlo, at hindi mo isinaysay sa akin kung saan nagpapahinga ang iyong dakilang kalakasan. At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay. At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako'y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako'y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao. At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka't sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo'y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay. At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala. At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako'y lalabas na gaya ng dati, at ako'y magpupumiglas. Nguni't hindi niya talos na ang Panginoo'y humiwalay sa kaniya. At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya'y gumiling sa bilangguan. Gayon ma'y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya'y maahitan. At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay. At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin. At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi: At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan. Ang bahay nga ay puno ng mga lalake at babae, at ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo ay nandoon; at sa bubungan ay may tatlong libong lalake at babae, na nanonood samantalang pinaglalaruan si Samson. At tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, Oh Dios, upang maiganti kong paminsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata. At si Samson ay pumigil sa dalawang gitnang haligi na pumipigil ng bahay, at isinuhay sa mga yaon, ang isa sa kaniyang kanang kamay, at ang isa'y sa kaniyang kaliwa. At sinabi ni Samson, Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo. At iniubos niya ang kaniyang buong lakas; at ang bahay ay bumagsak sa mga pangulo, at sa buong bayan na nandoon sa loob. Sa gayo'y ang nangamatay na kaniyang pinatay sa kaniyang kamatayan ay higit kay sa pinatay niya sa kaniyang kabuhayan. Nang magkagayo'y lumusong ang kaniyang mga kapatid at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, at kinuha siya, at iniahon siya, at inilibing siya sa pagitan ng Sora at Esthaol sa libingan ni Manoa na kaniyang ama. At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pung taon.