Si Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.
Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,
at ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.
Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.
Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagmamahal sa kanya.
Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.
Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;
at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.
Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.