ISAIAS 60
60
Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem
1Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.
4Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,#60:5 Sa Hebreo ay magiging malaki.
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
7Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.
8Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
9Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
at dahil sa Banal ng Israel,
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11Magiging#Apoc. 21:25, 26 laging bukas ang iyong mga pintuan,
hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12Sapagkat ang bansa at kaharian
na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14At#Apoc. 3:9 ang mga anak nila na umapi sa iyo
ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
ang Zion ng Banal ng Israel.”
Ang Maluwalhating Zion
15Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.
17Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
18Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan,
ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan,
at Papuri ang iyong mga pintuan.
19Ang#Apoc. 21:23; 22:5 araw ay hindi na magiging
iyong liwanag kapag araw;
o ang buwan man
ay magbibigay sa iyo ng liwanag.
Kundi ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian.
20Ang iyong araw ay hindi na lulubog,
o ang iyo mang buwan ay lulubog;
sapagkat ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos.
21Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan,
kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman,
ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay,
upang ako'y luwalhatiin.
22Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan,
at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa.
Ako ang Panginoon,
ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito.
Kasalukuyang Napili:
ISAIAS 60: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001