Ganito ang sabi ng PANGINOON,
na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia,
at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy,
at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy.
Ako ang PANGINOON, ang inyong Banal,
ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.”
Ganito ang sabi ng PANGINOON,
na gumagawa ng daan sa dagat,
at sa malalawak na tubig ay mga landas,
na nagpalabas ng karwahe at kabayo,
ng hukbo at ng mandirigma;
sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon,
sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa.
“Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay,
o isaalang-alang man ang mga bagay nang una.
Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon?
Gagawa ako ng daan sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto.
Pararangalan ako ng mababangis na hayop
ng mga asong-gubat at ng mga avestruz;
sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang,
at ng mga ilog sa disyerto,
upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan,
ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili,
upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan.
“Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob;
kundi ikaw ay nayamot sa akin, O Israel!
Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog,
o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog.
Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog,
o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang.
Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi,
o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog.
Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan,
iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan.
PANGINOON
Ako, ako nga
ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin,
at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.
Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran;
sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid.
Ang iyong unang ama ay nagkasala,
at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin.
Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo,
at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak
at ang Israel sa pagkakutya.