Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Isaias 43:14-28

Isaias 43:14-28 ASND

Ito ang sinasabi ng PANGINOON ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. Ako ang PANGINOON, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. Ako ang PANGINOON na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin. “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin. Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso. Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan. “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa. Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan. Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno. Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.