Sinasabi ng isang tinig, “Ikaw ay dumaing!”
At sinabi ko, “Ano ang aking idadaing?”
Lahat ng laman ay damo,
at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang.
Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta,
kapag ang hininga ng PANGINOON ay humihihip doon;
tunay na ang mga tao ay damo.
Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta;
ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman.
Umakyat ka sa mataas na bundok,
O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita;
itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan,
O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita,
itaas mo, huwag kang matakot;
sabihin mo sa mga lunsod ng Juda,
“Tingnan ang inyong Diyos!”
Narito, ang Panginoong DIYOS ay darating na may kapangyarihan,
at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya;
narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya,
at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.
Kanyang pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol,
kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig,
at dadalhin sila sa kanyang kandungan,
at maingat na papatnubayan iyong may mga anak.
Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay,
at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal,
at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal,
at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan,
at ng mga burol sa timbangan?
Sinong pumatnubay sa Espiritu ng PANGINOON,
o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya?
Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan,
at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan,
at nagturo sa kanya ng kaalaman,
at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa?
Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba,
itinuturing na parang alabok sa timbangan;
masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok.
Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong,
ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog.
Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya;
kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman.
Kanino nga ninyo itutulad ang Diyos?
O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya?
Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa,
at binabalot ito ng ginto ng platero,
at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas.
Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog
ng kahoy na hindi mabubulok;
siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok
upang gumawa ng larawang inanyuan na hindi makakakilos.
Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig?
Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una?
Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa?
Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa,
at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang;
siyang naglaladlad ng langit na parang tabing,
at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan;
na dinadala sa wala ang mga pinuno,
at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa.
Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik,
oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa,
at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo,
at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami.
Kanino nga ninyo ako itutulad,
upang makatulad niya ako? sabi ng Banal.
Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas,
at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito?
Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang;
tinatawag niya sila ayon sa pangalan;
sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan,
at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan
ay walang nagkukulang.
Bakit sinasabi mo, O Jacob,
at sinasalita mo, O Israel,
“Ang daan ko ay lingid sa PANGINOON,
at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko”?
Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig?
Ang PANGINOON ang walang hanggang Diyos,
ang Lumikha ng mga dulo ng lupa.
Hindi siya nanghihina, o napapagod man;
walang makatatarok ng kanyang kaunawaan.
Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina;
at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan.
Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod,
at ang mga binata ay lubos na mabubuwal;
ngunit silang naghihintay sa PANGINOON ay magpapanibagong lakas,
sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila,
sila'y tatakbo at hindi mapapagod,
sila'y lalakad, at hindi manghihina.