HOSEAS 5
5
Ang Pagsalangsang ng Israel ay Tinutulan
1Pakinggan ninyo ito, O mga pari!
Makinig kayo, O sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, O sambahayan ng hari!
Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan;
sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah,
at isang lambat na inilatag sa Tabor.
2Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan;
ngunit parurusahan ko silang lahat.
3Kilala ko ang Efraim,
at ang Israel ay hindi lingid sa akin;
sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae,
ang Israel ay dinungisan ang sarili.
4Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa
na manumbalik sa kanilang Diyos.
Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila,
at hindi nila nakikilala ang Panginoon.
5Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala;
ang Juda'y natitisod ding kasama nila.
6Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan
upang hanapin ang Panginoon;
ngunit hindi nila siya matatagpuan;
siya'y lumayo sa kanila.
7Sila'y naging taksil sa Panginoon;
sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas.
Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang.
Digmaan ng Juda at ng Israel
8Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
9Ang Efraim ay mawawasak
sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10Ang mga pinuno ng Juda ay naging
gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
ni malulunasan man ang inyong sugat.
14Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15Ako'y muling babalik sa aking dako,
hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.
Kasalukuyang Napili:
HOSEAS 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001