Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HOSEAS 4

4
Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa Israel
1Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, o mga anak ni Israel;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain.
Sapagkat walang katapatan o kabaitan man,
ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain.
2Naroon ang panunumpa,
pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya;
sila'y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo.
3Kaya't ang lupain ay tumatangis,
at lahat ng nakatira doon ay nanlulupaypay,
kasama ng mga hayop sa parang
at ng mga ibon sa himpapawid;
pati ang mga isda sa dagat ay nangawala.
Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa mga Pari
4Gayunma'y huwag makipaglaban ang sinuman,
o magbintang man ang sinuman;
sapagkat ang iyong bayan ay gaya ng mga nakikipagtalo sa pari.
5At ikaw ay matitisod sa araw,
at ang propeta man ay matitisod na kasama mo sa gabi;
at aking pupuksain ang iyong ina.
6Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman;
sapagkat itinakuwil mo ang kaalaman,
itinatakuwil din kita bilang aking pari.
At yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos,
akin ding lilimutin ang iyong mga anak.
7Habang lalo silang dumarami,
lalo silang nagkakasala laban sa akin;
aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian.
8Sila'y kumakain sa kasalanan ng aking bayan,
at itinuon ang kanilang pagnanasa tungo sa kanilang kasamaan.
9At magiging kung paano ang taong-bayan, gayon ang pari.
Parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga lakad,
at pagbabayarin ko sila sa kanilang mga gawa.
10Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
sila'y magiging tulad sa bayarang babae,#4:10 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. ngunit hindi dadami;
sapagkat sila'y humintong makinig sa Panginoon.
Sinusumpa ng Panginoon ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
11Ang kahalayan, alak at bagong alak ay nag-aalis ng pang-unawa.
12Ang aking bayan ay sumasangguni sa bagay na yari sa kahoy,
at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila.
Sapagkat iniligaw sila ng espiritu ng pagiging bayarang babae,
at sila'y tumalikod sa kanilang Diyos upang maging bayarang babae.
13Sila'y naghahandog ng mga alay sa mga tuktok ng mga bundok,
at nagsusunog ng kamanyang,
sa ilalim ng mga ensina at ng mga alamo at ng mga roble,
sapagkat ang lilim ng mga iyon ay mabuti.
Kaya't ang inyong mga anak na babae ay naging bayarang babae,
at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.
14Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae kapag sila'y naging bayarang babae
ni ang inyong mga manugang na babae kapag sila'y nangangalunya;
sapagkat ang mga lalaki mismo ay humahayo kasama ng bayarang babae
at sila'y naghahandog ng mga alay kasama ang mga bayarang babae sa templo.
at ang bayang walang pang-unawa ay mawawasak.
15Bagaman ikaw, O Israel, ay naging bayarang babae,#4:15 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw.
huwag hayaang magkasala ang Juda.
Huwag kayong pumunta sa Gilgal,
ni sumampa man sa Bet-haven,
at huwag kayong sumumpa, “Habang nabubuhay ang Panginoon.”
16Sapagkat ang Israel ay matigas ang ulo,
gaya ng isang guyang babae na matigas ang ulo
mapapakain ba ngayon sila ng Panginoon
tulad ng batang tupa sa isang malawak na pastulan?
17Ang Efraim ay nakisama sa mga diyus-diyosan;
hayaan ninyo siya.
18Ang kanilang alak ay ubos, nagpatuloy sila sa pagiging bayarang babae,
ang kanilang mga pinuno ay iniibig na mabuti ang kahihiyan.
19Tinangay sila ng hangin sa kanyang mga pakpak;
at sila'y mapapahiya dahil sa kanilang mga handog.

Kasalukuyang Napili:

HOSEAS 4: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in