Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.
Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
sapagkat siya'y hindi ko asawa,
at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae sa kanyang mukha,
at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
Kung hindi'y huhubaran ko siya,
at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
at papatayin ko siya sa uhaw.
Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
at babalik sa aking unang asawa;
sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.
Sapagkat hindi niya nalaman
na ako ang nagbigay sa kanya
ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.
Kaya't aking babawiin
ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
sa paningin ng kanyang mga mangingibig
at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
at kinalimutan ako, sabi ng PANGINOON.
PANGINOON
Kaya't akin siyang aakitin,
at dadalhin siya sa ilang,
at malambing ko siyang kakausapin.
At doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”