Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 12:15-24

HEBREO 12:15-24 ABTAG01

Pakaingatan ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami. Tiyakin ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay. Nalalaman ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha. Sapagkat hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman. Sapagkat hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.” At kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.” Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon, at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal, at kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.