Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 41:1-16

GENESIS 41:1-16 ABTAG01

Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo. May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo. Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog. Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon. Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at tinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon. Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip. Kinaumagahan, ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon. Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, “Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala. Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero. Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan. Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay.” Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon. At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.” Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.”