Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

GENESIS 33:1-17

GENESIS 33:1-17 ABTAG01

Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae. Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli. At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid. At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan. Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.” Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko. Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko. Sinabi ni Esau, “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob, “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.” Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.” Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin. Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap. Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.” Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan. Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.” Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.” Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir. Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.