Nanalangin si Isaac sa PANGINOON para sa kanyang asawa, sapagkat siya'y baog; at dininig ng PANGINOON ang kanyang panalangin at si Rebecca na kanyang asawa ay naglihi. Ang mga bata sa loob niya ay naglaban at kanyang sinabi, “Kung ito ay tama, bakit ako mabubuhay?” Kaya't siya'y humayo upang magtanong sa PANGINOON. Sinabi sa kanya ng PANGINOON, “Dalawang bansa ang nasa iyong bahay-bata, at ang dalawang bayan na ipapanganak mo ay magiging hati; ang isa ay magiging higit na malakas kaysa isa, at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang bahay-bata. Ang unang lumabas ay mapula na ang buong katawa'y parang mabalahibong damit; kaya't siya'y pinangalanang ng Esau. Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid, at ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; kaya't ang ipinangalan sa kanya ay Jacob. Si Isaac ay may animnapung taon na nang sila'y ipanganak ni Rebecca. Nang lumaki ang mga bata, si Esau ay naging sanay sa pangangaso, isang lalaki sa parang; samantalang si Jacob ay lalaking tahimik, na naninirahan sa mga tolda. Minahal ni Isaac si Esau, sapagkat siya'y kumakain ng mula sa kanyang pangangaso, at minahal naman ni Rebecca si Jacob. Minsan, nagluto si Jacob ng nilaga. Dumating si Esau mula sa parang at siya'y gutom na gutom. Sinabi ni Esau kay Jacob, “Pakainin mo naman ako nitong mapulang nilaga sapagkat ako'y gutom na gutom.” Dahil dito ay tinawag ang kanyang pangalan na Edom. Sinabi ni Jacob, “Ipagbili mo muna sa akin ngayon ang iyong pagkapanganay.” Sinabi ni Esau, “Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?” Sinabi ni Jacob, “Isumpa mo muna sa akin.” At sumumpa siya sa kanya at kanyang ipinagbili ang kanyang pagkapanganay kay Jacob. At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilaga na lentehas. Siya'y kumain, uminom, tumayo, at umalis. Ganyan hinamak ni Esau ang kanyang pagkapanganay.
Basahin GENESIS 25
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: GENESIS 25:21-34
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas